Personal na dumalo si Direk Mes De Guzman sa Nora at
60Birthday Tribute ng TV5 at mga Noranians noong May 21 para batiin sa kanyang
kaarawan ang Superstar na si Nora Aunor. Si Direk Mes ang direktor ni Nora Aunor sa bago niyang
indie film na Ang Kwento Ni Mabuti ng Cine Larga at Sampay Bakod
Productions.

Nabanggit ni Nora na ang isa sa pinaka-naiiba sa bago
niyang pelikula ay ang pagsasalita ng Ilocano throughout the film. "Mahirap bigkasin ang salitang Ilocano dahil matigas
ang mga salita," aniya.
All-praises naman si Direk Mes sa kanyang lead actress. "Mahusay si Ate Guy, hindi lang sa pag-arte, kundi
sa pagsasalita ng Ilocano, considering na bago ito sa kanya at first time nga
lang niyang ginawa."
Banggit naman ni Ms. Edelyn, bilang dialogue coach ni
Nora: "Mabilis siyang mag-memorya at pumik-ap ng dialogue, kaya
bilib sa kanya ang lahat sa set." Kasa-kasama ni Nora si Edelyn, bago umpisahan ang halos
lahat ng mga eksenang kinunan. Dagdag pa ni Edelyn, na isa ring indie actress:
"Napakalaking bagay ang maka-trabaho si Ate Guy; isa siyang mabuti at
mabait na artista. Hindi ka maiilang, kasi siya mismo yung lalapit sa
iyo. Approachable siya... siya yung artista na ang bilis maka-pick up [ng
salitang Ilocano]; puro impromptu 'pag nag-Ilocano siya. Hindi ako
nahirapang turuan siya."
Bilang line producer, excited naman si Rhea De Guzman sa
upcoming film ng kanyang director-husband, who also helmed the
much-awarded, Diablo (2012), at last year's Cinemalaya Philippine
Independent Filmfest.

REAL STORIES. Nakausap ng PEP.ph
(Philippine Entertainment Portal) sina Mes De Guzman at Ms. Rhea sa birthday
party ni Ate Guy at sa ilang pagkakataon habang nagsu-shooting si Nora Aunor sa
Nueva Vizcaya.
Sa pagkakaroon niya ngayon ng pelikulang bida si Nora
Aunor ay masayang-masaya si Direk Mes: "Ako naman, hindi ko naman inambisyon [na isang Nora
Aunor ang magbida sa pelikula ko]... so, isang pangarap ito na natupad."
Sa Ang Kwento Ni Mabuti ay ginagampanan ni Nora
Aunor ang papel ng isang manghihilot (folk healer), si Mabuti, o si
"Nanang" Mabuti.
Isa siyang maralitang probinsiyana; nagsasaka ng maliit
na lupain sa liblib na baranggay sa norte (sa Bgy. Darapidap, Aritao, Nueva
Vizcaya kinunan ang kabuuan ng obra). Kuntento siya, hikahos man 'ika
nga, kasama ang kanyang balong ina ('Apong' Guyang) at apat na apo, mula sa mga
anak na may sari-sarili nang buhay.
Ang katahimikan ng buhay ni Mabuti ay biglang magkakaroon
ng kumplikasyon sa pagkakatuklas niya ng isang bag na naglalaman ng kung ilang
milyong piso.
As previously mentioned, Ang Kwento Ni
Mabuti, is a morality tale that speaks of time-honored values. "A test of character, or a person's honesty and true
worth," banggit din ni Direk Mes sa isa niyang panayam. "Kung
makakita ka ng ganu'ng kalaking pera, ano ang iyong gagawin?"
Playing major support to Nora Aunor si award-winning
character actress Sue Prado as Nelia; gayundin si Ms. Ama Quiambao, in a
special cameo appearance, bilang si "Nanang" Ising. Matapos ang tatlong dekada mula nang magsama sila sa
klasikong Himala (1982) nina Ricky Lee (writer) at National Artist
Ishmael Bernal (director), nagka-eksenang muli sina Nora at Ama, na nagbida
sa Diablo ni Direk Mes.
The screen reunion was, indeed, significant, at kapwa
masaya sina Ama at Nora sa naulit na pagkakataon, albeit in a very short scene. Sa Ang Kwento Ni Mabuti, sila ay magkaibigan na
laging may panahong tulungan ang isa't isa. Nang una silang magka-trabaho, gumanap si Nora bilang
isang faith healer, si Elsa; at si Ms. Ama, ang kanyang tagasunod, si Sepa. This time, ayon kay Direk Mes: "Nagsimula ang
idea ng... Kuwento Ni Mabuti, noong 2005. Base ito sa isang
healer, yung tinatawag nating manggagamot ng mga nakakagat ng aso at
ahas.
"Actually, nakagat kasi ako ng tuta [puppy]
ko. Then, may nagsabing kapitbahay na magpunta raw ako sa isang liblib na
baryo; duoon ko na-meet yung manggagamot—isang dalaga. Then, tiningnan niya yung sugat ko. Sinabon niya,
may dasal-dasal pa siya; nilawayan niya. At mayroon siyang batong puti. Na-intriga ako doon. Habang ginagamot niya
ako, nagkuwentuhan kami.
"Namana raw niya ang panggagamot, sa nanay o
lola niya. One time, naglalakad siya sa gubat, may nasalubong siyang
puting cobra. Unusual yon dahil hindi puti ang cobra. Tapos, dun sa ibabaw
[ng ulo nito], may batong puti. At yun ang kinuha ng nanay niya, para
ipanggamot. Ipinasa na lang sa kanya."
Mula sa germ o idea na 'yon ay nakabuo si Direk Mes ng
kuwento tungkol sa isang manggagamot [herbalist] at hilot, at sa kaugnayan niya
sa mga tao at lipunang kinabibilangan, among poverty-stricken rural folks.
It took him about 8 years bago magkaroon ng katuparan ang
proyekto, na una niyang nilayon bilang isang maliit na pelikulang katulad ng
kanyang much-celebrated second film, Ang Daan Patungong
Kalimugtong (2005). "Nang pumasok ang CineFilipino, sabi ko, 'Gusto kong
sumali, gusto kong isali ito...'
"Simpleng kuwento, noong una, ang naisip kong bidang character, lalake. Nang isinusulat ko na ang script [para sa CineFilipino] ginawa ko nang babae yung character. At that time, nanay pa siya. "Actually, sinulat ko ito [script], one day lang, kasi buung-buo na sa akin yung character, yung mangyayari. Deadline na kinabukasan, at inspired ako kaya madali ko siyang natapos."
Dahil based na sa Nueva Vizcaya ang pamilya ni Direk Mes,
ang script ng Ang Kuwento Ni Mabuti ay ipinadala niya sa opisina ng
CineFililipino, sa pamamagitan ng LBC o Victory Liner.
"Sa kagandahang suwerte, napili siya. Pero
hindi ako masyadong kuntento sa script, kaya binago ko ang ilang detalye
nito. Ginawa kong lola yung character ni Mabuti; then, may mga apo siya,
na apat na babae.
"May anak siyang babae at lalake na laging wala sa
kanya. Buo na sa isip ko na dapat wala lagi itong mga anak niya, kaya
close siya sa mga apo niya. At close din siya sa nanay niya, si Apong
Guyang. Sina Arnold Reyes [Ompong] at Mara Lopez [Lucia] ang
gumaganap bilang kanyang mga anak. Ordinaryo sa ganitong set-up, sa probinsiya, na
magkakasama sila sa bahay," pagtukoy pa ni Direk Mes, na isa ring
premyadong mandudulang-pampelikula.
HOW NORA AUNOR CAME TO BE 'MABUTI.' Sa
umpisa, mga local actors ang nakatakdang gumanap ng mga pangunahing papel
sa Ang Kwento Ni Mabuti. Patuloy ni Direk Mes: "Maliit na pelikula...
kaya ang naisip ko [na gaganap], local actors...naniniwala kasi ako sa visuals.
"Puspusan ang ginawa naming auditions, mga
workshops," sabi pa niya. "Pumupunta kami sa iba't ibang lugar
talaga. Mahalaga sa akin yung 'look', e. Siguro dahil
may background din ako sa painting. Gusto ko, pag nakita mo, yun na yon.
Hindi na niya kailangang magsalita. Makukuha mo na yung statement, o ang
ibig sabihin [ng mga eksena]."
Sa audition na ito nadiskubre ng CineLarga Productions
(pag-aari ng mag-asawang Mes at Rhea De Guzman) ang mga kabataang mag-aaral na
gumaganap bilang mga apo ni Mabuti: sina Angela Ordinario, Kathleen Luares,
Safron Ventura, at Trinity Aragon.
Meanwhile, ang gumanap na ina ni Mabuti ay isa ring local
veteran actress, named Josephine Estabillo, a former baranggay chairman, bilang
si "Apong Guyang." Gumanap na siya sa isang naunang indie film
ni Mes De Guzman.
Ang pagiging bahagi ni Nora Aunor, ng bago niyang obra,
ay wala sa naunang plano ni Direk Mes. Banggit pa niya, "Nu'ng nanalo nga [ang script] sa
CineFilipino, at pini-pitch ko, may nagbanggit na...napag-usapan daw sa
committee na ang sabi, 'Ang magandang pumapel dito... na nababagay is Nora
Aunor!'"
Natuwa si Direk Mes, although hindi agad siya naging
ganu'ng kasigurado sa narinig. "E, siyempre, Nora Aunor yan! Ako naman, hindi
ko naman inambisyon... so, isang pangarap ito na natupad! Ito
na...!" bulalas nga niya. "So, yun nga. Sabi nila, 'Kunin natin si Ate
Guy diyan!' Sabi ko naman, 'Kung magagawa natin, di sige...' "Nagpapasalamat ako, naging smooth naman yung
pagkuha, kasi ang bilis ng pangyayari, e. Hindi naman ako nahirapan.
"Na nagustuhan [ng TV5] yung concept ng Mabuti,
isa ako sa mapalad na gumawa ng pelikula para kay Ate Guy," masayang
sambit pa ni Direk Mes.
ON WORKING WITH NORA AUNOR. Sa
isang malaking eksenang kinunan, sa itaas ng bundok na dinaraanan ng mga
sasakyang lumuluwas sa bayan, sangkot dito ang maraming extra, bilang mga
pasahero ng isang provincial mini-bus, na bumibiyaheng Kalimugtong (in
reference to Mes De Guzman's award-winning film).
Hindi nahirapan ang production team nina Mes at Rhea De
Guzman dahil, on hand para tumulong, ay ang hukbo ng mga Noranian (supporters,
mula sa Noranians Worldwide/NOW at Nora's Friends Forever/NFF) na bumisita sa
location, in far-off Aritao, Nueva Vizcaya. Involved sa eksena bilang co-passengers ang character na
ginampanan nina Nora at Sue Prado, a mysterious acquaintance of Mabuti.
Matapos ang shoot ay nakapanayam sina Direk Mes at Ate
Guy ng TV5-Interaksiyon Team at ng PEP. Naroon rin ang miyembro ng CineFilipino
Filmfest Monitoring team, sa pangunguna ni Mr. Vincent "Ting"
Nebrida, festival director.
"Ah, itong eksena na ito, actually, napakahirap,
kaya hiningal ako," banggit ni Direk Mes. "First time kong gumawa ng eskena sa bus, na doon
halos mabuo yung isang eksenang mabigat. Kasi crucial itong eksena na ito
sa pelikula. Medyo na-drain ako, kahit papa'no.'
Pero, siyempre, nagbibigay-lakas sa akin yung character ni 'Mabuti' na ginampanan ng ating Superstar na si Nora Aunor. Na nakaka-amaze... ibang klase!" overwhelmed na pagtukoy ni Direk Mes. "Yung acting style ni Nora Aunor dito, instinctive, e," sabi pa niya. "Konting instructions ko lang, kuha na niya kaagad. Nakakagulat!"
Kung may naging problema man, yun ay ang pagiging "star-struck"
daw ng mga extras na mga Noranians. "Nai-starstruck sila pag umaarte si Ate Guy.
So, nadi-distract si Ate Guy, kasi lahat sila nakatingin [sa kanya]! "E, yung flow ng kuwento, dapat pasahero lang sila,
di sila dapat nakatingin kay Ate Guy," sabi pa ng direktor. Gayunman, na-pull off nang maayos ang nasabing eksena
hanggang sa mga sumunod pang crucial scenes, na hindi muna puwedeng idetalye ng
writer-director.
HAPPY WORKING WITH DIREK MES AND STAFF/CREW AND
VICE-VERSA. When asked kung ano naman ang damdamin niya sa
naging pakikipag-trabaho kina Mes De Guzman at sa buong production staff and
crew ng Ang Kuwento Ni Mabuti, Nora Aunor stated: "Masaya ako, kasi lahat ng kasamahan namin dito,
masaya. Alam mo naman ako, pagka sinabi kong masaya at ganado ako, ibig
sabihin, mula sa direktor namin hanggang sa pinaka-maliit na kasamahan namin
dito, walang kaproble-problema. Puro tawanan kami dito, 'pagka wala pang shooting. Du'n kami nag-e-enjoy, kaya sinasabi ko,
masaya. At pagka masaya ako, kahit medyo pagod ako nang konti, dahil sa
sobrang init, parang hindi rin ako napapagod."
May pressure ba sa part ni Mes De Guzman ang pag-handle
ngayon kay Nora Aunor, matapos nitong gawin ang much-awarded indie film
na Thy Womb?
"Uhm, paano ko ba sasabihin? Actually, nabanggit ko
nga, ang plano ko lang, mga locals [Nueva Vizcaya-based actors] ang kunin. Nung may magbanggit naman sa TV5, why not kunin si
Ate Guy, kasi magpi-fit siya sa role, naisip ko din, 'Oo nga, ano?
Talagang bagay siya sa role! So, du'n... na-excite na ako du'n! Parang
hindi ko nararamdaman ang pressure, e... kung mayroon man. Kasi nu'ng dumating si Ate Guy, jive kaagad.
Ewan ko rin kung ano'ng meron. First day, second day [of shooting held on the
third week of April], based du'n sa kuwento niya [Nora], tawanan, masaya! Actually, parang isang malaking picnic lang itong
ginagawa namin. I think, kahit kay Ate Guy, walang pressure,
e. Kasi magaan yung set."
"Maski du'n sa previous films ko [Diliman, Ang Daan
Patungong Kalimugtong, Balikbayan Box, Sa Kanto Ng Ulap At Lupa, Ang Mundo Sa
Panahon ng Bato), ganu'n ang gusto kong atmosphere; ang gusto kong mood ng
set-up, ng shoot. Kasi, mas makakagalaw; makakapag-isip ka ng kung
anong atake ng eksena. I think, ganun din si Ate Guy. So, ayun,
mabuti... I think, magiging 'mabuti' itong pelikulang ito," biro pa ni
Direk Mes.
POSITIVE CHARACTER. Bilang
isang tauhan ng dulang pam-pelikulang pinagalaw sa kontemporaryong panahon, si
Mabuti, as portrayed by Nora Aunor ay isang napaka-positibong karakter.
Ani Nora tungkol sa kanyang karakter: "Si
Mabuti ay isang masayahing tao, mapagmahal na anak, at yung pamilya nila, kahit
na mahirap, nasa isang lugar o bahay lang na maliit, makikitaan mo sila ng
kasiyahan.
"Hindi sila naghahanap ng karangyaan. Pero
makikita mo yung pagmamahalan nila; pagtutulungan, katulad ng mga anak nila.
"Sa trabaho, masaya ang grupo namin dito; nag-enjoy
ako. Kaya nalungkot ako nang magtapos na ang shoot namin. Nagkahiwa-hiwalay na
kami. Ganu'n kasi kami kasaya...walang problema!
"At lahat ng salita ko dito, 100 percent in
Ilocano. Kakaiba ito, na naging challenge din sa akin ang paggawa ng
pelikula, dahil ngayon lang ako nagkaroon ng pelikula na Ilocano ang salita, sa
kabuuan.
"Magaling ang aming dialogue coach na si Ms. Edelyn
[Laguit]. Bago mag-take, binubusisi niya ang aming mga dila sa pagsasanay
ng mga salitang Ilocano. Awa ng Diyos, nakukuha naman namin."
MAINSTREAM OR INDIE CINEMA? Anong
uri ng pelikula ang mas nakaka-excite at kinasisiyahan niyang gawin, sa puntong
ito? "Ay, nag-e-enjoy ako sa indie!" sabi ni
Nora. "Ngayon, ha, nag-e-enjoy ako sa indie [independently-produced
films]. "Para sa akin kasi, ang indie, nakikita mong maganda
yung ginawa mo. Hindi ko kasi puwedeng tawaging 'indie' yun, e. Parang puwede mong ilaban yun sa mainstream, yung
ginagawa mong indie sa ngayon. Marami kang nakikita, direktor na kabataan na
magagaling talagang magdirek.
Tulad ni Direk Mes... hindi porke katabi ko
siya..." natutuwang sambit ni Ate Guy. "Si Direk Mes, talagang cool na cool sa set.
Pero 'pagka pinanood mo ang kabuuan ng kanyang pelikula, talagang
masasabi mong maganda yung kanyang pelikula. At puwedeng ipanlaban kahit
saan."
Bago mag-shoot ng Mabuti, pinanood nga ni Ate Guy
ang huling obra ni Mes De Guzman, ang Diablo, at para sa kanya'y impresibo
ang pelikula. Also, Nora Aunor takes pride in the fact na ang lahat ng
mga major co-actors and staff na kasama niya sa Ang Kuwento ni Mabuti ay mga
premyado. "Sina Sue Prado, Arnold Reyes, Mara Lopez... si Tita
Ama [Quiambao], mga award-winning actors silang lahat. Pati ang mga nasa production, bukod kay Direk Mes
[writer-director, editor, music scorer, production designer]; si Albert Banzon,
ang cinematographer, at si Kuya Cesar Hernando, ang aming production
designer...
"Natutuwa ako na magagaling ang lahat ng mga
nakasama ko ngayon sa pelikula namin," sambit pa ni Ate Guy.
NORA AS A FOLK HEALER. Para
kay Direk Mes De Guzman, maraming kakaibang eksena na ginawa ang Superstar
sa Ang Kwento Ni Mabuti.
At may patotoo tungkol dito si Direk Mes. Aniya,
"'Yun nga ang sinasabi ng mga fans, na first movie ito ni Ate Guy na may
straight dialect siya. So yun, nakaka-excite!
"May bago na ipapakita si Ate Guy, bukod dun sa
kuwento ng pelikula, na set talaga sa location, sa Nueva Vizcaya.
"Napaka-challenging para kay Ate Guy nito; wala pa
silang nakikita [sa ibang pelikula niya] na naglalakad nang mahaba at tumatawid
ng mga bundok [si Ate Guy] na may hila-hila pa siyang baboy! O kaya'y nagta-trabaho sa gubat [working on the
water pipes], tending the animals, tilling the soil, apart from her main
occupation, as a folk healer.
"I think, mga bagong images ito, na hindi pa
nakikita na ginawa ni Ate Guy. So, kung excited na ang mga fans, kami rin,"
masayang-masayang sambit pa ni Mes De Guzman.